Saturday, June 5, 2010

FALSE HOPES

Dalawang buwan ang nakakalipas nang sabihin mo sakin na hindi ka muna magpaparamdam. Dalawang buwan na wala tayong communication. Tinanong kita kung bakit. Ang sabi mo lang, katulad ng dati, mag-iipon para may pambili ng sim, dahil may katawagan kang lilipat sa Sun. Hindi ko alam kung ano ang motibo o gusto mong iparating, pero tinanggap ko. Lumipas ang isang linggo nang malaman ko na nag-aaral ka pala sa isang eskwelahan na sinabi mo sakin na hindi mo papasukan dahil hindi mo kaya. Maraming tanong ang naglaro sa isip ko. Akala ko, kaibigan mo ko, isa ako sa pinagkakatiwalaan mo, pero bakit kailangang sa iba ko malaman yung bagay na 'yon? Sabi nila, kasi ayaw mo lang daw akong malungkot. Pero ano yung nararamdaman ko? Hindi ba ako nalungkot? Kahit ganon, pilit kong tinanggap lahat.

Lumakad ang oras, dumaan ang mga araw, nagpatuloy ako sa buhay ko. Nagpatuloy at nasanay na wala ng magtetext sakin ng "Musta?" at pagkatapos ko sagutin ay ilang oras bago sumagot uli. Binibilang ko ang bawat araw na lumlipas, umaasa ako na bumilis ang panahon para makalabas ka na ulit. Ang daming bagay ang umikot sa isip ko sa loob ng dalawang buwan. Palagi kong pinagdadasal na sana, okay ka doon, na kayanin mo ang lahat, na safe ka, kasi sabi mo nga, hindi kaya ng katawan mo don.


Sa bawat araw na lumilipas, maraming words of wisdom ang lumalabas sakin, kasabay ng pagdagdag ng kaalaman sa utak ko dahil sa review namin. Maraming mga bagay ang nailalagay at naibabahagi ko sa aking Facebook. Mga realizations habang lumilipas ang araw na wala ka at lumalapit sa araw ng pagbabalik mo. Umaasa ako na tulad ka pa rin ng dati na makulit. Na kaya akong pangitiin sa pinakasimpleng paaraan. Pero hanggang pag-asa lang pala lahat 'yon. Hanggang pag-asa lang lahat ng mga bagay na naglaro at tumakbo sa isip ko sa loob ng nakalipas na dalawang buwan.


Dumating ang araw na matagal kong hinintay. Kasabay ng panunuod ko ng pelikulang Up ay ang paghihintay ko sa isang mensahe mula sa'yo. Sa bawat pag-ilaw ng telepono ko, hinihiling ko na galing sa'yo yon. Pero wala. Pero hindi. Natapos ang gabi. Ni Hi, ni Hello, wala akong natanggap. Araw ng Sabado, umilaw ang telepono ko. Nagdalawang isip ako kung sasagutin ko ba o hindi. Masyado na akong umasa at nasaktra. Gusto ko pa, pero gusto ko ng itigil. Gusto ko pa pero tama na. Nagdesisyon akong matulog, umaasa na sa paggising ko ay malinawan na lahat ng pag-aalinlangan ko.


Paggising ko ay napagdesisyunan ko na batiin ka ng happy birthday. Matagal bago sumagot. Lumipas ang labinlimang minuto bago sumagot ng "Tnx.". Hindi ako nakunteto, gusto kitang makausap. Tinext ulit kita, ang sagot mo "Ang Pangt ng Pangalan.parang anak Lng ni Kris." Kinamusta kita, hindi ka na sumagot. Buong gabi akong naghintay, nagbabaka sakaling magkakausap tayo ng maayos kahit saglit. Saka lang ako natauhan, na kaibigan mo nga lang pala ako. Na hindi ka naman nangako na mag-uusap tayo pagbalik mo. Pasensya ka na,
assuming kasi ako.

Sabi mo kasi, ako lang ang nakakaintindi, nagpapahalaga at nagmamahal sa'yo. At akala ko, isa ako sa mga itinuturing mong kaibigan. In less than 12 hours, babalik ka na sa loob. Hindi ko alam kung kailan ka ulit lalabas. Hindi ko alam kung kailan ulit tayo makakapagkwentuhan. Hindi ko alam kung sa susunod na paglabas mo ay maaalala mo pa ko. Gusto kong magalit sa'yo. Gusto kitang awayin. Kaso hindi ko magawa, kasi wala akong karapatan. Naiinis ako sa sarili ko, kasi naniwala at umasa ako sa isang bagay na ako lang pala ang nakakaalam.


Sana, sa susunod na paglabas mo, maaalala mo pa rin ako. Sana, pwede tayong makapagkwentuhan ulit. Pero kung hindi man mangyari yon, magpapasalamat pa rin ako, dahil kahit papano, napangiti o ako. Kahit papano, naramdaman ko kung paano tawanan at maging masaya sa gitna ng problema. Magpapasalamat pa rin ako kasi kahit sandali, naging parte ka ng buhay ko, at nakapagbahagi ka ng sarili mo. Kaya kahit gaano kasakit at kahirap, pipilitin kong tanggapin. Kahit masakit, uunawain ko. Pero madidisappoint ako, kasi
I thought you were a whole lot better than this.

SENIOR YEAR, HUMANDA KA SAKIN, PARATING NA KO.

Isang linggo at isang araw mula ngayon, isa na kong ganap na housemate. Wala mang camera 24/7, hindi man nakikita ng buong mundo ang bawat kilos at galaw, nasa loob pa rin kami ng isang malaking tahanan. Kaming mga "housemate" na magkakaiba ang personalidad at pananaw sa buhay ay maglalagi at magsasama sama sa isang tahanan sa loob ng sampung buwan. Sa tahanang ito, huhubugin ang aming mga pagkatao, pagyayamanin ang aming mga kakayanan at talento, wawastuhin ang mga pagkakamali at ihahanda sa pagharap sa pinakamalaking pagsubok, ang pagharap sa "outside world". Hindi lang iisa ang magsisilbing "kuya" namin, marami sila. Sila na tutulong samin upang maabot ang aming mga pangarap, gagabay patungo sa tamang landas at magpapatatag upang kayanin ang pagtatagal sa tahanang ito na kung tawagin ay "paaralan".

Owver, masyadong PBB inspired ang intro ha. Balik tayo sa reality.

Isang linggo at isang araw mula ngayon, papasok ako sa paaralan bilang isang 4th year high school student. Nakakaexcite, nakakapanibago, nakakatakot. Napakabilis ng panahon, na dati, ang tanging problema ko lang ay kung sino at nasaan ang susundo sakin kapag uwian. Napakabilis na dati ay pagsulat at pagbasa pa lamang ang itinuturo sa amin. Napakabilis na dati ay nagsisimula pa lang ako mag-aral, ngayon ay ilang taon na lang ay magtatapos na ko sa pag-aaral.

Nakakaexcite, dahil panibagong taon na naman. Panibagong mga kaklase, mga lesson, mga experience at prebilehiyo dahil mas matanda na. Panibago at huling pagkakataon para maiayos ang lahat at maghanda sa buhay kolehiyo. Nakakapanibago, dahil hindi na parating nandyan ang mga guro para sabihin samin ang dapat gawin, sariling sikap na. Hindi na palaging ituturo ang tama at ang mali, ikaw mismo sa sarili mo ang tutuklas at magkukumpara dito. Nakakatakot, dahil panigurado, mas mabibigat na hamon ang kailangang harapin. Panibagong mga lesson na dapat intindihin, panibagong mga responsibilidad ang dapat tuparin. Dahil 4th year na, nakatutok lahat ng mata samin, sa bawat mali namin. Isang mali lang, maaaring makaapekto pagdating ng graduation. Isang mali lang, maaaring hindi ko makuha ang inaasam kong pagiging isa sa Top 3. Isang mali lang, maaaring hindi kami makagraduate.

Katulad ng pagtira sa Bahay ni Kuya, may malaking epekto ang bawat kilos sa pananatili sa loob. Ngunit hindi naman kinakailangang magkunwaring iba para mapatunayan na karapat dapat ka. Ang kailangan dito, ang pagpapakita ng kung sino ang tunay na ikaw, walang pagkukunwari, walang pagtatago. Kunsabagay, kung talaga namang wala kang dapat itago e bakit ka magkukunwari. Magpakatotoo ka lang.

Marami akong natutunan sa nakaraang taon bilang isang 3rd year. Natutunan ko hindi lamang sa mga taong nakapaligid sakin kundi pati na rin sa mga karanasan ko. Mga bagay na hindi ko makakalimutan hanggang sa tumanda ako. Mga bagay na alam ko na makakatulong sakin hindi lang sa pag-aaral ko kundi na rin sa pang-araw araw na buhay ko.

Natutunan kong ipaglaban ang kung ano ang sa tingin ko ay tama. Madalas kong kalabanin ang teacher ko sa English, dahil madalas, may mga pagkakamali sya sa mga naisusulat sa blackboard, dala na rin ng paninibago dahil bago pa lamang sya. Kahit na hindi sumasang ayon sakin ang kaibigan at mga kaklase ko, sa pagaakalang tama ang lahat ng tinuturo ng teacher, hindi ako nagpatinag. Pinanindigan ko ang sinabi ko. Hindi ko naman sinasabi na lahat ng tinuturo ng teacher e mali, hindi lang talaga maiiwasan kung minsan na magkamali sila dahil tao lang din naman sila. Pinanindigan ko ang sa tingin ko ay tama. At sa huli, ako pa rin ang nagtagumpay. Hindi ko naman ginagawa yon para ipahiya ang teacher ko, ginagawa ko yon para rin sa mga kaklase ko, para hindi rin sila malito.

Natutunan ko rin na kahit anong kabutihan ang ipakita mo sa isang tao, darating at darating ang panahon at pagkakataon na masasaktan ka nya, sinadya man o hindi. Na sa mundong ito, hindi lahat ng kabutihan ay nasusuklian din ng kabutihan. Kaya nga "Life is unfair". Kasi, pilit man nating iwasan, dadating pa rin tayo sa pagkakataong makakasakit ng taong nagbigay at nagpahalaga sa atin. Na hindi lahat ng tao na pakikitaan mo ng mabuti e ganun din ang gagawin sa'yo.

Natutunan ko, na ang pinakamatalik mo palang kaibigan e pwede mong maging pinakamasamang kaaway. Katulad din nung isa, hindi lahat ng pakikitaan mo ng mabuti e ganun din ang ipapakita sa'yo.
Hindi nasusukat ang pagkakaibigan sa kung gaano na kayo katagal magkaibigan, o gaano karami na ang inyong napagdaanan. Nasusukat ang tatag ng samahan sa kung gaano katatag ang hawak nyo sa isa't isa sa bawat unos na pagdadaanan nyo. Hindi porket sya ang kasama mo lagi, e sya na ang makakasama mo habambuhay. Sabi ng nanay ko, bata pa ako, marami pa akong makikilala at magiging kaibigan. Marami pang dadating sa buhay ko na mas karapat dapat kong pagtuunan ng atensyon, tiwala at pagmamahal bilang bestfriend.

Natutunan ko din na ang oras ay napakahalaga. Madalas, sinasayang ko lang yon sa mga walang kwentang bagay. Kapag may project kami, hindi ko agad ginagawa dahil matagal pa ang deadline. Ang ending, nagcacram ako. Pakiramdam ko, mas nagiging maganda ang kinakalabasan kapag nagcacramming ako. Pero hindi pala. Kaya ngayon, mas pahahalagahan ko na ang bawat segundo na lilipas.

Higit sa lahat, natutunan ko na may tamang panahon para sa lahat ng bagay. Hindi lahat ng bagay ay madadaan sa madalian. Kailangang antayin ang oras kung saan maaari na talaga itong ibahagi, kuhanin, o tanggapin. Katulad ng paglalaro ng Farmville at Cafe World, kailangang antayin mo itong mahinog at maluto bago mo ito maharvest at maiserve. Darating ang oras at panahon kung kailan mapapakinabangan at magagamit mo na ito at masasabi mo sa sarili mo na hindi sayang ang paghihintay mo.

Kung tutuusin, 4th year high school na talaga ako, dahil nakapagenroll na ko at nakabili na rin ako ng libro. Pasukan na lang ang inaantay ko para masabing Senior na nga ako. Senior high school ha? Hindi ko alam kung anong mararamdam ko. Marami sa kanila ang naeexcite. Pero ako, halu halo. Gusto ko pa na ayoko. Magulo. Pero sige, kaya ko 'to. Senior year, BRING IT ON! :)


*PS. Habang sinusulat ko 'to, pinapakinggan ko yung tugtog pag graduation march. Para lang feel. Haha! :)*