Saturday, May 22, 2010

PROMiSES ARE MADE TO BE BROKEN

"Bakit ba badtrip ka na naman??"

Tanong sakin kanina ng isang kaibigan na di sinasadyang isa sa mga dahilan ng pagiging badtrip ko. Sa labinlimang taon ko dito sa mundo, palagi lang akong pangalawa. Madalang pa sa patak ng ulan kapag nauna ko. Palagi akong pangalawa, sa pamilya, sa pag-aaral, pati sa kaibigan.

Masakit, kasi akala ko katulad pa rin sya ng dati. Na ako lagi ang una sa listahan nya, yata. Na lahat ng pangyayari sa buhay ko, alam nya, at ganun din sya sakin. Na hindi lumilipas ang bawat araw na hindi kami nagkakausap. Kaso hindi na. Mali ako. Kasi akala ko, kapag ginusto ko syang kausapin ngayon ng kaming dalawa lang, magagawa ko pa. Pero hindi na. Marami ng nagbago. Sa sandaling panahon na nakahanap ako ng mga karagdagang kaibigan, nawala na ang pagiging Top 1 ko. Sa sandaling panahon na may mga bagong taong dumating sa buhay ko, nagbago ang lahat sa pagitan naming dalawa. Sa tuwing gusto ko syang kausapin ng kami lang, maaaring tulog sya, o kaya may kausap na mas mahalaga sakin.

Hindi ko naman sya masisisi. At ayoko ng makasakit. Ayoko ng maulit na papapiliin ko ang kaibigan ko, kung ako o ang mahal nya. Hindi naman ako makasarili. Hindi ko naman sya pag-aari para gawin ko yon. Tama na, na nagawa ko yun minsan at lubos kong pinagsisihan. Kung tutuusin, kasalanan ko rin naman, na umasa ako na ako pa rin, na alam ko naman na imposible lalo ngayon iba ng ang prayoridad nya.

Masakit, kasi umasa ako sa pangako nila na walang magbabago. Na hindi mababago ang ugnayan namin, na ako pa rin ang bunso nya. :'( Na kapag kinailangan ko ng kausap kapag malungkot ako, nandyan sya. Na kapag may nang-aaway sakin, sya ang reresbak. Kaso hindi na ngayon. Kailangan ko ng maging matatag, na hindi sa lahat ng pagkakataon, nandyan sya, na handang kausapin at patawanin ako.

Sabi nila, mas maganda na yung tayo ang nasasaktan, kaysa tayo ang nananakit. Pero pano kung sa lahat ng pagkakataon, ikaw ang masasaktan? Paninindigan mo pa ba yung kasabihan na yon? Kung sa bawat nangyayari e ikaw ang naaagrabyado?

Totoo nga yung nabasa ko dati sa quote, na kapag ang kaibigan mo ay nagkaroon ng love life, hindi ka na masyadong kakausapin. Naiintindihan ko naman yon. Dahil nga hindi na lang ako ang mahalaga sa kanya, dalawa na kami. Kaya kahit masakit, kailangan kong tanggapin, na sa mga panahong kailangang kailangan ko sya, e wala sya. Na hindi na ako ang Top 1 sa buhay nya. Na kailangan kong maging malakas para harapin mag-isa ang bawat problemang pagdadaanan ko.

Sana, pwedeng ibalik lahat sa dati. Kasi sobra sobrang namimiss ko na ang Ate ko, ang Mommy ko, si Agua, si Tabz, si Bhie ko. :'(

Friday, May 7, 2010

GRANDMA'S KiSSES

Kagabi, nanunuod ako ng Spongebob Squarepants. Ang setting, si Spongebob, excited na pumunta sa Lola nya para kumain ng chocolate chip cookies at uminom ng hot milk, para makinig ng bedtime stories at para magsuot ng sweater with love on every stitch. Tapos biglang dumating si Kuya ko, sabi nya, "Bakit si Spongebob excited??" Natawa ako. Nagets ko yung sinabi nya. Nakakapagtaka nga naman kung bakit halos lahat yata ng bata, excited tuwing pupunta sa lola nila, pero kami? No comment. Alam na namin sa sarili namin kung bakit.

Alam ko masamang mainggit. Pero sa tuwing makakakita o makakapanuod ako ng mga bata na close sa lola nila, di ko maiwasang hindi maramadaman. Buti pa si Gwen, close kay Mama Pet, si Bendita, spoiled kay Wowa. Pero kami? Hay. After all, tao lang din naman ako. Taong naghahanap ng unconditional love mula sa isang lola. Pero pano ko magagawang maglambing at pasayahin ang isang tao na kahit ang sarili nya e hindi nya kayang pasayahin?

Kanina, nagising ako sa ingay ng pag-dedebate ni Nanay at ni Mama. Pinilit kong baliwalain at matulog na lang ulit. Kaso hindi ko kaya. Kami pala ang pinagtatalunan nila. Kami na inaabot daw ng madaling araw sa TV at computer. Sa isang banda, tama naman ang lola ko, na sayang sa kuryente at napupuyat kami. Pero pano kung yun lang ang paraan para matakasan namin ang lupit at katotohanan na nakikitira lang kami, na hindi lahat ng gusto naming gawin ay pwede? Oo, yun lang ang naiisip kong paraan. Ang magpuyat para mas matagal akong tulog.

Nakakalungkot. Na sa edad ng lola ko na yon, lahat ng bagay e pinoproblema nya pa. Sana, magpahinga na lang sya. Sabi ni Mama, yung ibang lola daw, hindi naman ganon, hinahayaan lang yung apo na maglibang. Tama naman din si Mama ko. Iba ang lola ko sa lahat. Ibang iba. Sana sa edad nya na yon, magpahinga na sya at maglibang kasama ang lolo ko. Ienjoy na lang sana nila yung buhay nila at wag ng mag-isip ng kahit ano.

Naisip ko tuloy bigla si Ima. Alam ko, mortal na kasalanan ang pagkukumpara. Pero, sa tuwing naiisip ko ang mga ginagawa dati ni Ima at ni Nanay ngayon, mahirap iwasan. Grade 3 pa lang ako nung mamatay si Ima. Nung nasa Tarlac pa kami, sinusundo ako ni Papa sa school tapos didiretso kami kina Ima. Doon, hinahayaan nya kong manuod ng TV, kumain, at mag-enjoy. Naaalala ko pa, madalas nya kong bigyan ng Sundot Kulangot at kung anu ano pang delicacies mula sa Baguio. Nakakamiss yung ganon. Kapag New Year, binibigyan namin ng pera si Ima, kahit na P20 o P50. Sobrang namimiss ko na si Ima. :'(

Mabalik tayo sa Nanay ko. Ibang iba sya. Alam ko, ang tingin nyo sakin e bastos at walang pagmamahal sa lola. Pero sinasabi ko sa inyo, kung pwede lang palitan ang Lola. Kung pwede nyo lang subukan ang lumugar dito. Sino ba naman ang hindi gustong maglambing sa lola nila? Na samahan na lang ang matanda sa mga natitira nyang araw sa mundo? Na magsuot ng sweater with love on every stitch? Sabi ko nga, tao lang din ako. Pangarap ko din yon. Ang makabonding ang lola ko, ang maglambing sa kanya. Pero pano ko gagawin yon, kung ang atensyon nya e nasa ibang bagay? Mga bagay ng hindi karaniwan na pinagtutuunan ng pansin ng matatanda?

Sana, bago man lang sila mawala, maayos na 'to. Sana, may magsabog ng magic at gawin ang lola ko na tulad ng ibang lola, gaya ng lola ni Spongebob, na pinaghahanda ang apo ng chocolate chip cookies at hot milk, binabasahan ng bedtime stories, at pinagtatahi ng sweater with love on every stitch.