Isang linggo at isang araw mula ngayon, isa na kong ganap na housemate. Wala mang camera 24/7, hindi man nakikita ng buong mundo ang bawat kilos at galaw, nasa loob pa rin kami ng isang malaking tahanan. Kaming mga "housemate" na magkakaiba ang personalidad at pananaw sa buhay ay maglalagi at magsasama sama sa isang tahanan sa loob ng sampung buwan. Sa tahanang ito, huhubugin ang aming mga pagkatao, pagyayamanin ang aming mga kakayanan at talento, wawastuhin ang mga pagkakamali at ihahanda sa pagharap sa pinakamalaking pagsubok, ang pagharap sa "outside world". Hindi lang iisa ang magsisilbing "kuya" namin, marami sila. Sila na tutulong samin upang maabot ang aming mga pangarap, gagabay patungo sa tamang landas at magpapatatag upang kayanin ang pagtatagal sa tahanang ito na kung tawagin ay "paaralan".
Owver, masyadong PBB inspired ang intro ha. Balik tayo sa reality.
Isang linggo at isang araw mula ngayon, papasok ako sa paaralan bilang isang 4th year high school student. Nakakaexcite, nakakapanibago, nakakatakot. Napakabilis ng panahon, na dati, ang tanging problema ko lang ay kung sino at nasaan ang susundo sakin kapag uwian. Napakabilis na dati ay pagsulat at pagbasa pa lamang ang itinuturo sa amin. Napakabilis na dati ay nagsisimula pa lang ako mag-aral, ngayon ay ilang taon na lang ay magtatapos na ko sa pag-aaral.
Nakakaexcite, dahil panibagong taon na naman. Panibagong mga kaklase, mga lesson, mga experience at prebilehiyo dahil mas matanda na. Panibago at huling pagkakataon para maiayos ang lahat at maghanda sa buhay kolehiyo. Nakakapanibago, dahil hindi na parating nandyan ang mga guro para sabihin samin ang dapat gawin, sariling sikap na. Hindi na palaging ituturo ang tama at ang mali, ikaw mismo sa sarili mo ang tutuklas at magkukumpara dito. Nakakatakot, dahil panigurado, mas mabibigat na hamon ang kailangang harapin. Panibagong mga lesson na dapat intindihin, panibagong mga responsibilidad ang dapat tuparin. Dahil 4th year na, nakatutok lahat ng mata samin, sa bawat mali namin. Isang mali lang, maaaring makaapekto pagdating ng graduation. Isang mali lang, maaaring hindi ko makuha ang inaasam kong pagiging isa sa Top 3. Isang mali lang, maaaring hindi kami makagraduate.
Katulad ng pagtira sa Bahay ni Kuya, may malaking epekto ang bawat kilos sa pananatili sa loob. Ngunit hindi naman kinakailangang magkunwaring iba para mapatunayan na karapat dapat ka. Ang kailangan dito, ang pagpapakita ng kung sino ang tunay na ikaw, walang pagkukunwari, walang pagtatago. Kunsabagay, kung talaga namang wala kang dapat itago e bakit ka magkukunwari. Magpakatotoo ka lang.
Marami akong natutunan sa nakaraang taon bilang isang 3rd year. Natutunan ko hindi lamang sa mga taong nakapaligid sakin kundi pati na rin sa mga karanasan ko. Mga bagay na hindi ko makakalimutan hanggang sa tumanda ako. Mga bagay na alam ko na makakatulong sakin hindi lang sa pag-aaral ko kundi na rin sa pang-araw araw na buhay ko.
Natutunan kong ipaglaban ang kung ano ang sa tingin ko ay tama. Madalas kong kalabanin ang teacher ko sa English, dahil madalas, may mga pagkakamali sya sa mga naisusulat sa blackboard, dala na rin ng paninibago dahil bago pa lamang sya. Kahit na hindi sumasang ayon sakin ang kaibigan at mga kaklase ko, sa pagaakalang tama ang lahat ng tinuturo ng teacher, hindi ako nagpatinag. Pinanindigan ko ang sinabi ko. Hindi ko naman sinasabi na lahat ng tinuturo ng teacher e mali, hindi lang talaga maiiwasan kung minsan na magkamali sila dahil tao lang din naman sila. Pinanindigan ko ang sa tingin ko ay tama. At sa huli, ako pa rin ang nagtagumpay. Hindi ko naman ginagawa yon para ipahiya ang teacher ko, ginagawa ko yon para rin sa mga kaklase ko, para hindi rin sila malito.
Natutunan ko rin na kahit anong kabutihan ang ipakita mo sa isang tao, darating at darating ang panahon at pagkakataon na masasaktan ka nya, sinadya man o hindi. Na sa mundong ito, hindi lahat ng kabutihan ay nasusuklian din ng kabutihan. Kaya nga "Life is unfair". Kasi, pilit man nating iwasan, dadating pa rin tayo sa pagkakataong makakasakit ng taong nagbigay at nagpahalaga sa atin. Na hindi lahat ng tao na pakikitaan mo ng mabuti e ganun din ang gagawin sa'yo.
Natutunan ko, na ang pinakamatalik mo palang kaibigan e pwede mong maging pinakamasamang kaaway. Katulad din nung isa, hindi lahat ng pakikitaan mo ng mabuti e ganun din ang ipapakita sa'yo.
Hindi nasusukat ang pagkakaibigan sa kung gaano na kayo katagal magkaibigan, o gaano karami na ang inyong napagdaanan. Nasusukat ang tatag ng samahan sa kung gaano katatag ang hawak nyo sa isa't isa sa bawat unos na pagdadaanan nyo. Hindi porket sya ang kasama mo lagi, e sya na ang makakasama mo habambuhay. Sabi ng nanay ko, bata pa ako, marami pa akong makikilala at magiging kaibigan. Marami pang dadating sa buhay ko na mas karapat dapat kong pagtuunan ng atensyon, tiwala at pagmamahal bilang bestfriend.
Natutunan ko din na ang oras ay napakahalaga. Madalas, sinasayang ko lang yon sa mga walang kwentang bagay. Kapag may project kami, hindi ko agad ginagawa dahil matagal pa ang deadline. Ang ending, nagcacram ako. Pakiramdam ko, mas nagiging maganda ang kinakalabasan kapag nagcacramming ako. Pero hindi pala. Kaya ngayon, mas pahahalagahan ko na ang bawat segundo na lilipas.
Higit sa lahat, natutunan ko na may tamang panahon para sa lahat ng bagay. Hindi lahat ng bagay ay madadaan sa madalian. Kailangang antayin ang oras kung saan maaari na talaga itong ibahagi, kuhanin, o tanggapin. Katulad ng paglalaro ng Farmville at Cafe World, kailangang antayin mo itong mahinog at maluto bago mo ito maharvest at maiserve. Darating ang oras at panahon kung kailan mapapakinabangan at magagamit mo na ito at masasabi mo sa sarili mo na hindi sayang ang paghihintay mo.
Kung tutuusin, 4th year high school na talaga ako, dahil nakapagenroll na ko at nakabili na rin ako ng libro. Pasukan na lang ang inaantay ko para masabing Senior na nga ako. Senior high school ha? Hindi ko alam kung anong mararamdam ko. Marami sa kanila ang naeexcite. Pero ako, halu halo. Gusto ko pa na ayoko. Magulo. Pero sige, kaya ko 'to. Senior year, BRING IT ON! :)
*PS. Habang sinusulat ko 'to, pinapakinggan ko yung tugtog pag graduation march. Para lang feel. Haha! :)*
Saturday, June 5, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment