Lumakad ang oras, dumaan ang mga araw, nagpatuloy ako sa buhay ko. Nagpatuloy at nasanay na wala ng magtetext sakin ng "Musta?" at pagkatapos ko sagutin ay ilang oras bago sumagot uli. Binibilang ko ang bawat araw na lumlipas, umaasa ako na bumilis ang panahon para makalabas ka na ulit. Ang daming bagay ang umikot sa isip ko sa loob ng dalawang buwan. Palagi kong pinagdadasal na sana, okay ka doon, na kayanin mo ang lahat, na safe ka, kasi sabi mo nga, hindi kaya ng katawan mo don.
Sa bawat araw na lumilipas, maraming words of wisdom ang lumalabas sakin, kasabay ng pagdagdag ng kaalaman sa utak ko dahil sa review namin. Maraming mga bagay ang nailalagay at naibabahagi ko sa aking Facebook. Mga realizations habang lumilipas ang araw na wala ka at lumalapit sa araw ng pagbabalik mo. Umaasa ako na tulad ka pa rin ng dati na makulit. Na kaya akong pangitiin sa pinakasimpleng paaraan. Pero hanggang pag-asa lang pala lahat 'yon. Hanggang pag-asa lang lahat ng mga bagay na naglaro at tumakbo sa isip ko sa loob ng nakalipas na dalawang buwan.
Dumating ang araw na matagal kong hinintay. Kasabay ng panunuod ko ng pelikulang Up ay ang paghihintay ko sa isang mensahe mula sa'yo. Sa bawat pag-ilaw ng telepono ko, hinihiling ko na galing sa'yo yon. Pero wala. Pero hindi. Natapos ang gabi. Ni Hi, ni Hello, wala akong natanggap. Araw ng Sabado, umilaw ang telepono ko. Nagdalawang isip ako kung sasagutin ko ba o hindi. Masyado na akong umasa at nasaktra. Gusto ko pa, pero gusto ko ng itigil. Gusto ko pa pero tama na. Nagdesisyon akong matulog, umaasa na sa paggising ko ay malinawan na lahat ng pag-aalinlangan ko.
Paggising ko ay napagdesisyunan ko na batiin ka ng happy birthday. Matagal bago sumagot. Lumipas ang labinlimang minuto bago sumagot ng "Tnx.". Hindi ako nakunteto, gusto kitang makausap. Tinext ulit kita, ang sagot mo "Ang Pangt ng Pangalan.parang anak Lng ni Kris." Kinamusta kita, hindi ka na sumagot. Buong gabi akong naghintay, nagbabaka sakaling magkakausap tayo ng maayos kahit saglit. Saka lang ako natauhan, na kaibigan mo nga lang pala ako. Na hindi ka naman nangako na mag-uusap tayo pagbalik mo. Pasensya ka na,
Sabi mo kasi, ako lang ang nakakaintindi, nagpapahalaga at nagmamahal sa'yo. At akala ko, isa ako sa mga itinuturing mong kaibigan. In less than 12 hours, babalik ka na sa loob. Hindi ko alam kung kailan ka ulit lalabas. Hindi ko alam kung kailan ulit tayo makakapagkwentuhan. Hindi ko alam kung sa susunod na paglabas mo ay maaalala mo pa ko. Gusto kong magalit sa'yo. Gusto kitang awayin. Kaso hindi ko magawa, kasi wala akong karapatan. Naiinis ako sa sarili ko, kasi naniwala at umasa ako sa isang bagay na ako lang pala ang nakakaalam.
Sana, sa susunod na paglabas mo, maaalala mo pa rin ako. Sana, pwede tayong makapagkwentuhan ulit. Pero kung hindi man mangyari yon, magpapasalamat pa rin ako, dahil kahit papano, napangiti o ako. Kahit papano, naramdaman ko kung paano tawanan at maging masaya sa gitna ng problema. Magpapasalamat pa rin ako kasi kahit sandali, naging parte ka ng buhay ko, at nakapagbahagi ka ng sarili mo. Kaya kahit gaano kasakit at kahirap, pipilitin kong tanggapin. Kahit masakit, uunawain ko. Pero madidisappoint ako, kasi I thought you were a whole lot better than this.